CPP – Palpak ang unang taon ni Duterte



Ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), Bagsak ang grado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng unang taon nito sa serbisyo bilang pangulo ng Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ng CPP, iginiit ng rebeldeng grupo na nabigo si Duterte na tuparin ang kaniyang mga pangakong pagbabago sa bansa.

Binanatan rin ng CPP ang diskarteng strongman ni Duterte, marahas na drug war at pagiging sunud-sunuran nito sa Amerika.

Dagdag pa nila, nagpapatuloy pa rin ang krisis sa sistema ng pamamahala sa unang taon ng termino ni Duterte.

Pinakawalan anila nito ang digmaan na nagdulot ng “death and destruction” dahil sa paggamit ni Duterte ng taktikang kamay na bakal at pamamaraan ng pasismo para lang mapagsilbihan ang mga mapagsamantala at dayuhang kapitalista.

Mariin ding tinuligsa ng CPP ang kabiguan umano ni Duterte na ipatupad ang seryosong reporma sa polisiya sa “social, economic and political fields,” sa kabila ng pag-giit ng pangulo na isa siyang socialist at sympathizer ng makakaliwang grupo.

Hindi rin sila sumang ayon sa desisyon ng Pangulo na makialam ang bansang Amerika sa pakikipagdigma laban sa teroristang Maute sa Marawi City.

Una naman nang nilinaw ng Armed Forces of the Philippines at ng Palasyo na tanging techincal at intelligence support lamang ang itinutulong ng Amerika sa opensiba laban sa Maute Group.

Sinabi rin ng CPP na hindi titigil ang New People’s Army sa kanilang mga opensiba laban sa tropa ng pamahalaan, dahilan ng mga pangakong papako ng administrasyon ni Duterte.

Nasisiyahan naman ang ilang lokal na negosyante sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Ayon kay George Barcelon, president ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), hindi maituturing na perpekto ang buong pamamalakad ng adminstrasyon dahil sa ilan ring nagagawang kakulangan.

Ngunit sa kabuuan, nananatili aniyang kampante ang mga negosyante dahil sa magandang pundasyon para sa pagpapalawig ng ekonomiya ng bansa.


Ang importante, ayon kay Barcelon, nakikita na ngayon ang progreso ng mga investments at development assistance mula sa ibang bansa mula sa foreign trips ng Punong Ehekutibo.





Source:  RADYO INQUIRER

No comments

Powered by Blogger.